Bayolenteng kandidato ‘wag iboto – Obispo
MANILA, Philippines – Nanawagan kahapon ang matataas na lider ng Cebu Archdiocese sa mga botante na ibasura ang mga kandidatong nagtataguyod ng karahasan at suriing mabuti ang kanilang kunsiyensiya bago magkomunyon kung sang-ayon sila sa marahas na patakaran ng mga kandidato.
Nagpahayag ng pagkabahala si Cebu Archbishop Jose Palma sa popularidad ng isang kandidatong nagbabantang gumamit ng karahasan para masugpo ang mga kriminal sa buong bansa. Hindi niya pinangalanan ang naturang kandidato pero lumilitaw na tinutukoy niya ang aspiranteng presidente na si Davao City Mayor Rodrigo Duttere.
“Kung sang-ayon kayo sa kandidatong ito, oras nang suriin niyo ang inyong pagka-Kristiyano,” panawagan pa ni Palma sa mga botante.
Binabawalan ang mga obispo at pari na umendorso ng mga kandidato sa pambansang halalan pero maaari silang magbigay ng panuntunan sa kalidad ng mga aspirante.
“Katungkulan ng mga pari na turuan at imulat ang mamamayan hinggil sa kahalagahan ng halalan, pagsusuri at patuloy na pag-aaral at pagtataya sa mga pulitiko,” paliwanag ni Palma.
Idinagdag ni Palma na merong magandang punto si Redemptorist priest Fr. Crispin Mostajo sa pagpapaalala sa mga botante na maging seryoso sa pagpili ng susuportahang kandidato.
Pinapurihan ni Cebu Archbishop Emeritus Ricardo Cardinal Vidal si Mostajo sa pagpapaalala sa mga botante na iwasan ang mga kandidatong nagtataguyod ng karahasan bilang paraan ng pagsupil sa kriminalidad.
“Kasalanan ang pumatay. Kung itataguyod ninyo ang mga taong ito, hindi maganda. Makatwiran ang ginawa ng pari,” sabi ni Vidal.
SOURCE: http://www.philstar.com:8080/bansa/2016/04/12/1571872/bayolenteng-kandidato-wag-iboto-obispo