JUAN 1:18 “Walang taong nakakita kailan man sa Dios; ang bugtong na Anak, na nasa sinapupunan ng Ama, siya ang nagpakilala sa kanya.”
Paano po ipinaliwanag ng INC ang nasa itaas na talata? Ganito po ang sabi nila: “Mayroon po kaming nais ipapansin sa inyo, dito po ba sa talatang ito ay mababasa natin na nakita ni Cristo ang Diyos? Wala po tayong mababasang ganun, hindi po ba? Maaari din po natin silang hamunin na magpakita ng ibang talata na mababasa natin na nakita ni Cristo ang Diyos, at natitiyak namin na wala silang maipapakita sa inyo. Dahil kahit sa buong Biblia wala tayong mababasa na nakita ni Jesus ang Diyos. Bakit? Colosas 1:15 “Na siya ang larawan ng DIOS NA DI NAKIKITA, ang panganay ng lahat ng mga nilalang;” Ang Diyos po ay hindi nakikita, kaya imposible na makita siya kahit ni Cristo.Kasama siya sa mga taong hindi nakakita sa Diyos. Sa kanilang pahayag sa itaas lumalabas na di sila sumasampalataya na ang Cristo ay ang bugtong na ANAK ng AMA.”
Gusto po kasi nila mabasa na letra por letra na nakasaad sa talata na si CRISTO na tao ay nakita ang AMA. Sino po ang niloloko nila?
Ngayon sa hamon po nila na magpakita pa ng ibang talata na mababasa na nakita ng ANAK ang AMA eto po yun:
Joh 3:11 “Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa iyo, Ang nalalaman namin ay sinasalita namin, at ang aming nakita ay pinatototohanan namin; at hindi ninyo tinanggap ang aming patotoo.”
Joh 3:12 “Kung sinabi ko sa inyo ang mga bagay na nauukol sa lupa at hindi ninyo pinaniniwalaan, paanong paniniwalaan ninyo kung sabihin ko sa inyo ang mga bagay na nauukol sa langit?”
Joh 3:32 At kaniyang nakita at narinig, ay siyang pinatototohanan niya; at walang taong tumatanggap ng kaniyang patotoo.
Joh_5:19 “Sumagot nga si Jesus at sinabi sa kanila, Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo, Hindi makagagawa ang Anak ng anoman sa kaniyang sarili kundi ang makita niyang gawin ng Ama; sapagka’t ang lahat ng mga bagay na kaniyang ginagawa, ay ang mga ito rin naman ang ginagawa ng Anak sa gayon ding paraan.”
Joh_5:20 “Sapagka’t sinisinta ng Ama ang Anak, at sa kaniya’y ipinakikita ang lahat ng mga bagay na kaniyang ginagawa: at lalong dakilang mga gawa kay sa mga ito ang sa kaniya’y ipakikita niya, upang kayo’y magsipanggilalas.”
Joh_5:37 “At ang Ama na nagsugo sa akin, ay siyang nagpatotoo tungkol sa akin. Kailan ma’y hindi ninyo narinig ang kaniyang tinig, ni hindi man ninyo nakita ang kaniyang anyo.”
JUAN 6:46 “Hindi sa ang sinoma’y nakakita sa Ama, kundi yaong nanggaling sa Dios, siya ang nakakita sa Ama.”
Joh_8:38 “Sinasalita ko ang mga bagay na aking nakita sa aking Ama: at ginagawa rin ninyo ang mga bagay na inyong narinig sa inyong Ama.”
Ngayon kung tututol sila na wala namang binabangit na Cristo sa talata, e di maliwanag po na itinatanggi, ikinakaila, nagbubulag-bulagan sila patungkol sa ANAK at hindi nila kinikilala na ang Cristo ay ANAK.
Ano pong impilkasyon nito sa kanilang aral? Lalabas po na hindi sila sumasampalataya na ang Cristo ay ANAK ng DIOS.
Hindi po baga na natatag ang Iglesia dahil sa confession of faith ni Pedro na ang Cristo ay ang ANAK ng DIOS na buhay? (Mateo 16:16) Ayon sa Juan 6:46, ang nakakita sa AMA ay yaong nanggaling sa Dios. Sino po ba iyong nanggaling sa Dios?
Joh_7:29 “Siya’y nakikilala ko; sapagka’t ako’y mula sa kaniya, at siya ang nagsugo sa akin.”
JUAN 8:42 “… sapagka’t ako’y nagmula at nanggaling sa Dios; sapagka’t hindi ako naparito sa aking sarili, kundi sinugo niya ako.”
JUAN_13:3 “Si Jesus, sa pagkatalastas na ibinigay na ng Ama ang lahat ng mga bagay sa kaniyang mga kamay, at siya’y nanggaling sa Dios, at sa Dios din paroroon.”
Bakit po sinalita ng ANAK na nanggaling Siya sa AMA at paano Siya nanggaling sa AMA? ayon sa pahayag ni Juan:
Joh 3:12 “Kung sinabi ko sa inyo ang mga bagay na nauukol sa lupa at hindi ninyo pinaniniwalaan, paanong paniniwalaan ninyo kung sabihin ko sa inyo ang mga bagay na nauukol sa langit?”
Joh_3:13 At walang umakyat sa langit, kundi ang nanggaling sa langit, sa makatuwid baga’y ang Anak ng tao, na nasa langit.
Joh 3:31 “Ang nanggagaling sa itaas ay sumasaibabaw ng lahat: ang galing sa lupa ay taga lupa nga, at ang ukol sa lupa ang sinasalita niya: ang nanggagaling sa langit ay sumasaibabaw ng lahat.”
Joh 3:32 At kaniyang nakita at narinig, ay siyang pinatototohanan niya; at walang taong tumatanggap ng kaniyang patotoo.
Joh_6:38 Sapagka’t bumaba akong mula sa langit, hindi upang gawin ko ang aking sariling kalooban, kundi ang kalooban ng nagsugo sa akin.
Joh_6:33 Sapagka’t ang tinapay ng Dios ay yaong bumababang mula sa langit, at nagbibigay buhay sa sanglibutan.
Joh_6:38 Sapagka’t bumaba akong mula sa langit, hindi upang gawin ko ang aking sariling kalooban, kundi ang kalooban ng nagsugo sa akin.
Joh 6:51 “Ako ang tinapay na buhay na bumabang galing sa langit: kung ang sinoman ay kumain ng tinapay na ito, siya’y mabubuhay magpakailan man: oo at ang tinapay na aking ibibigay ay ang aking laman, sa ikabubuhay ng sanglibutan.”
Joh 6:62 “Ano nga kung makita ninyong umaakyat ang Anak ng tao sa kinaroroonan niya nang una?”
Sa mga nabanggit na talata ay maliwanag po na ang ANAK ay nanggaling sa AMA. Isinugo ng AMA kung kaya bumaba sa langit ang ANAK upang ganapin ang kalooban ng AMA.
Maliwanag at tukoy na natin na ang ANAK na siyang SALITA ay sumasa DIOS. (Juan 1:1 at Rev 19:13) Ang ANAK ang lubusang nagpakilala at nagpahayag tungkol sa AMA.
Sino pa nga ba ang higit na makapagpapahayag at makapagpapakilala ng buo, ganap, kumpleto at lubusan patungkol sa AMA kung hindi yung nanggaling, nagmula, nakakita, kapiling at nasa sinapupunan AMA? Walang sinumang tao, propeta, sugo, santo o maging apostol na makakapangahas at mag-aangkin ng mga nabanggit liban sa ANAK na isinugo at nanaog sa langit upang gawin ang kalooban ng AMA kaya naging tao at nakipamuhay sa piling natin (Juan 1:14) Ang ANAK lamang ang tangi at bukod na nakakakilala sa AMA:
Joh_7:29 “Siya’y nakikilala ko; sapagka’t ako’y mula sa kaniya, at siya ang nagsugo sa akin.”
Joh_17:25 “Oh Amang banal, hindi ka nakikilala ng sanglibutan, nguni’t nakikilala kita; at nakikilala ng mga ito na ikaw ang nagsugo sa akin;”
Mateo 11:27 “Ang lahat ng mga bagay ay ibinigay sa akin ng aking Ama: at sinoma’y hindi nakakakilala sa Anak kundi ang Ama; at sinoma’y hindi nakakakilala sa Ama, kundi ang Anak, at yaong ibiging pagpahayagan ng Anak.”
Kung sa lumang tipan ang nagpapahayag ng patungkol sa AMA ay ang mga propeta, alalahanin po natin na ang mga propeta na ito ay mga tao at walang sinuman ang magsasabing lubusang kilala nila ang AMA dahil nga po sa di sila nanggaling, nagmula, nakakita at kapling ng AMA. Tangi po lamang ang ANAK ang lubusang nagpakilala sa AMA. Kaya po pansin natin sa mga sulat sa matandang tipan ay binibigyan diin ng mga propeta ang AMA bagamat banaag na nila ang tungkol sa ANAK sa pamamagitan ng mga hula.
Dahil sa mga dios-diosang sinasamba ng mga pagano, buong giting na ipinapahayag nila ang tungkol sa iisang AMANG Dios. Kaya naman pag babanggit ng talata sa lumang tipan ang mga ministro ng INC patungkol sa iisang DIOS natural ang pinatutungkulang ng mga sumulat ay ang AMA. Ngunit pagdating ng takdang panahon sa bagong tipan ano po yung bagong kapahayagan tungkol sa AMA? Nalaman natin na ang AMA pala ay mayroon ANAK. Ang ANAK na ito mismo, hindi na mga propeta ang nagsalita ng kapahayagan ng AMA. (Hebreo 1:1-2) At ang ANAK na ito ay nanggaling, nagmula, nakakita at kapiling ng AMA. Ang ANAK na itoy isinugo ng AMA at nanaog sa langit ng upang gawin ang kalooban ng AMA:
Joh_6:38 Sapagka’t bumaba akong mula sa langit, hindi upang gawin ko ang aking sariling kalooban, kundi ang kalooban ng nagsugo sa akin.
Ano po yung kalooban ng AMA bakit isinugo yung ANAK?
Joh_3:17 “Sapagka’t hindi sinugo ng Dios ang Anak sa sanglibutan upang hatulan ang sanglibutan; kundi upang ang sanglibutan ay maligtas sa pamamagitan niya.”
Kalooban ng AMA na tayoy maligtas. Bakit po? Dahil sa PAG-iBIG niya sa atin. Ito po yung mabuting balita at ebanghelyo na ipinangaral ng mga Apostol tungkol sa PAGIBIG ng AMA sa atin:
1Jn_4:10 “Narito ang pagibig, hindi sa tayo’y umibig sa Dios, kundi siya ang umibig sa atin, at sinugo ang kaniyang Anak na pangpalubagloob sa ating mga kasalanan.”
Kaya naman ng bumaba sa mga Apostol ang ESPIRITU ng PAG-IBIG, ito ang nag-udyok at nagsilbi nilang lakas upang ipangaral ang ebanghelyo hanggang sa katapusan ng mundo. Ngayon ikumpara po natin yung ebanghelyo na dala ng INC. Ang ANAK ayon sa kanila ay plano, panukala o banaag ng kaisipan buhat sa AMA tulad ng banggit sa 1 Pedro 1:20 Ayon po sa kanila walang kapiling na ANAK ang AMA, ang ibinigay ng AMA sa atin ay yung katuparan ng kanyang plano. Kung ganuon po masasabi po ba nating totoong PAG-IBIG ito? Kung ang tao nga kayang ibigay para isakripisyo yung kanyang anak sa katauhan ni Abraham at anak na si Isaac, bakit ang AMA walang kayang ibigay kundi yaong kanyang plano lamang? Mas higit pa ba ang pag-ibig ng tao kaysa pag-ibig ng AMA? Ito po ba ang mabuting balita o ang ebanghelyo na tinatanggap at sinasampalatayanan ng INC? Ngunit alam po natin ang tunay na ebanghelyo at salamat sa pag-ibig ng AMA:
Joh 3:16 “Sapagka’t gayon na lamang ang pagsinta ng Dios sa sanglibutan, na ibinigay niya ang kaniyang bugtong na Anak…”
Sa kabila po ng lahat ng ito hindi po kaya nadaya sila ng diablo na sinungaling na buhat pa sa simula dahil maling ebanghelyo at hindi ang PAG-IBIG ng AMA ang kanilang ipinangangaral, kundi nakasentro sa kanilang Iglesia dahil ito daw po ay banal? Bakit po ba nabanal ang iglesia? Hindi bat dahil sa ANAK kaya banal nating masasabi ang Iglesia? Puro sila Iglesia. Iglesia, Iglesia nguit wala naman silang Kristo, Kristo at Kristo. Bakit ko po ito nasabi? Dahil po sa pagtanggi at pagkakaila nila sa ANAK na siyang Kristo. Sa pagtanggi nila sa ANAK maliwanag pa sa sikat ng araw ang babala ni Juan patungkol sa kanila:
1Jn 2:23 “Ang sinomang tumatanggi sa Anak, ay hindi sumasa kaniya ang Ama: ang nagpapahayag sa Anak ay sumasa kaniya naman ang Ama.”
Bakit po ayaw nilang kilalanin ang ANAK? Dahil natatakot sila at di nila maamin na ang ANAK ng AMA ay tunay na Dios gaya ng AMANG DIOS. Sabi po kasi nila malalabag daw yung sinabi ng ANAK patungkol sa AMA sa Juan 17:3 tunggkol sa nag-iisang tunay na DIOS. Pansinin po natin na sa pagpapakilala ng ANAK sa AMA sa talata sa Juan 17:3 kaakibat nuon ang pagkilala rin natin sa ANAK. Hindi po natin mapaghihiwalay ang ANAK sa AMA at ang AMA sa ANAK. Dahil po ang relasyon at ng ugnayan ng AMA sa ANAK ay umiiral na duon sa sinapupunan ng AMA. (Jn 1:14)
Bakit binibigyan diin ko po yung sinapupunan? Nais po ng AMA na magkaroon ng mata ng pananampalataya ang ating mga kababayang INC upang makaunawa at maliwanagan ang kanilang mga puso ng ESPIRITU ng PAG-IBIG at sa gayon ay maipahayag ng kanilang mga labi ang ANAK sa ikaluluwalhati ng AMA. Sa sinapupunan lalo pong nailalarawan ang kaigtingan ng relasyon at ng pag-ibig ng AMA sa ANAK at ng ANAK sa AMA. Lahat po tayo bilang mga anak ay nanggaling sa sinapupunan, liban na lamang kay Adan na mula sa alabok at kay Eba na mula sa tadyang ni Adan. Sa mga mag-asawa kelan po sila naging magulang o kailan sila tinawag na ama o ina? Tinawag silang ama o ina nang magkaroon at malaman nilang may anak sila na nasa sinapupunan. Sa sinapupunan pala nagsisimula o ang genesis ng relasyong o ugnayan ng magulang sa anak o anak sa magulang. Di ba po sa panahon na naglihi ang ina nanduon na iyong pag-aalaga niya at pagmamahal sa anak na nasa kayang sinapupunan?
Kinakausap niya ang anak ng buong giliw at hinahaplos ang kanyang sinapupunan ng buong pagmamahal. At nalalaman natin na tumutugon yuong anak sa pag-ibig ng ina sa pamamagitan ng paglukso nito sa sinapupunan habang itoy hinahaplos. Maari po nating masabi na yung anak na nasa sinapupunan ay kasangkap ng kanyang ina. Di ba po sinasabi natin sa ina patungkol sa anak ay dugo ng kanyang dugo at laman ng kanyang laman? Maari nating masabi na taglay ng anak ang kalikasan ng ina at nababalot ang anak ng buong pagkatao ng ina sa sinapupunan. Bagamat tinutukoy natin ay dalawang persona ang ina at anak, sila ay hindi mapaghihiwalay dahil pinagbubuklod sila ng PAG-IBIG. Kung ang ina ay puspos ng pag-ibig sa anak, kailanman ay hindi natin mapaghihiwalay ang ina sa anak o anak sa ina. Mayroon po bang nagmamahal na ina na papayag na maihiwalay ang anak sa kanyang sinapupunan? Kung ang mga nabanggit na halimbawa ay posible at totoo sa tao, imposible po ba kaya ito sa DIOS? Ano po ang sabi ANAK:
Mateo 19:26 “… Hindi mangyayari ito sa mga tao; datapuwa’t sa Dios ang lahat ng mga bagay ay mangyayari.”
Sa nabanggit na halimbawa patungkol sa ANAK na nasa sinapupunan ng AMA, nagkakaroon tayo ng pananaw, namamalas at nababanaag natin ang PAG-IBIG ng AMA. At nagiging buo, nakukumpleto ang pagkakaalam natin sa pag-ibig ng AMA at tunay na maitutulad natin sa pag-ibig ng MAGULANG (ama at ina). (CCC 239) Itinulad ang pagsuyo ng AMA gaya ng sa ina sa kanyang bayan…
Isaiah 66.13 “Kung paanong ang sinoma’y inaaliw ng ina gayon ko aaliwin kayo; at kayo’y mangaaliw sa Jerusalem.”
Sa paghahambing sa itaas mababanaag po natin ang Santa Trinidad, bakit ko po nasabi? Sa kapahayagan ni Juan nagkaroon tayo ng bagong kapahayagan ukol sa DIOS. Inihayag niya na ang Dios ay pag-ibig:
1Jn_4:8 “Ang hindi umiibig ay hindi nakakakilala sa Dios; sapagka’t ang Dios ay pagibig.”
1Jn_4:16 “At ating nakilala at ating sinampalatayanan ang pagibig ng Dios sa atin. Ang Dios ay pagibig; at ang nananahan sa pagibig ay nananahan sa Dios, at ang Dios ay nananahan sa kaniya.”
Dagdag pa rito inilarawan ni San Agustin ang Santa Trinidad na:
Mangingibig (AMA),
Iniibig(ANAK) at
Pag-ibig (ESPIRITU SANTO)
Di ba po sa mag-asawa nagiging iisa sila sa matrimonyo dahil pinagbubuklod at binibigkis sila ng pag-ibig nila sa isat-isa lalot higit ang nagbibigkis ay ang ESPIRITU na siyang PAG-IBIG. Hindi sila mapaghihiwalay dahil taglay nila ang pag-ibig. Gayon din po hindi natin maihihiwalay ang MANGINGIBIG sa bukod tangi at bugtong niyang INIIBIG dahil sila ay iisa at pinagbubuklod ng PAG-IBIG.
Mateo_3:17 “At narito, ang isang tinig na mula sa mga langit, na nagsasabi, Ito ang sinisinta kong Anak, na siya kong lubos na kinalulugdan.”
Bukod sa halimbawa ukol sa mag-asawa saan pa natin mababanaag ang Santa Trinidad? Nang hindi pa nagkakatawang tao ang ANAK, maari pala natin makita sa mata ng pananampalataya na ang Santa Trinidad ay maihahambing sa isang ina na may anak sa sinapupunan.
Ecc_11:5 “Kung paanong hindi mo nalalaman kung ano ang daan ng hangin o kung paano mang lumalaki ang mga buto sa bahay-bata ng buntis; gayon hindi mo nalalaman ang gawa ng Dios na gumagawa sa lahat.”
Taglay ng ANAK ang kalikasan ng AMA sa sinapupunan at hindi sila mapaghihiwalay at nagkakaisa sila sa PAG-IBIG. Hindi bat ang AMA at ANAK ang nagsugo sa ating mga puso ng PAG-IBIG, kung walang PAG-IBIG (Espiritu Santo) hindi natin maihahayag na ang ANAK ay Panginoon. At nakikilala tayong mga anak ng Dios dahil may PAG-IBIG tayo sa isat-isa.
Kaya pala nang batiin ng anghel Gabriel ang Birheng naglilihi na si Maria tinawag niya itong mapalad sa lahat ng babae dahil nasa sinapupunan niya ang ANAK. Banaag natin kay Maria ang larawan ng Santa Trinidad, ngunit hindi ko po sinasabi na Dios si Maria. Ang Cristo ay tinawag na ANAK ng TAO dahil tunay itong tao sa sinapupunan ng kanyang inang tao. Gayun din naman tinawag ang Cristo na ANAK ng DIOS dahil tunay itong Dios sa sinapupunan ng kanyang AMANG Dios. Kaya pala ang Ina lalot higit sa kaninumang tao ang nakakikilala sa ANAK, dahil sa sinapupunan pa lamang niya ay may ugnayan na sila ng Anak. Hindi tayo ililigaw ng Ina patungo sa Anak, hindi bat inihabilin ng Anak ang kanyang Ina sa alagad na si Juan. Nang umakyat sa langit ang ANAK at bumalik sa AMA, si Maria ang nagpapaalala at nagsasalaysay sa mga alagad partikular kay Juan patungkol sa ANAK.
Si Juan na siyang malapit at minamahal na alagad ni HESUS ang siyang nagpahayag ukol sa ANAK at AMA, at siya ring nagpahayag sa atin na ang Dios ay PAG-IBIG.