Quantcast
Channel: admin
Viewing all articles
Browse latest Browse all 3780

ANG PRUSISYON NG ITIM NA POONG NAZARENO By Bro. Nonoy Lopez

$
0
0

Prusisyon ng Itim na Poong Nazareno by Bro. Nonoy Lopez

 

Devotees clamber on top of one another to touch the religious icon (top R) of the Black Nazarene during the annual religious procession in Manila on January 9, 2015. More than a million barefoot devotees paraded the centuries-old icon of Jesus Christ through Manila on January 9 in the Philippines' biggest religious festival, held just before Pope Francis visits Asia's bastion of Christianity.      AFP PHOTO / TED ALJIBE

Devotees clamber on top of one another to touch the religious icon (top R) of the Black Nazarene during the annual religious procession in Manila on January 9, 2015. More than a million barefoot devotees paraded the centuries-old icon of Jesus Christ through Manila on January 9 in the Philippines’ biggest religious festival, held just before Pope Francis visits Asia’s bastion of Christianity. AFP PHOTO / TED ALJIBE

(image link) http://manilastandardtoday.com/panel/_files/image/2015.01.09.nazarene.jpg

 

Kailanman ay hindi naging tama na ang imahen ay dumugin. Ang pagkahumaling sa ganitong kaugalian ay makikita sa tradisyon ng mga Katoliko. Sa Biblia, walang pagkakataon na  pinayagan ng Diyos na ang isang imahen ay dumugin o pagkaguluhan ng tao. Dahil dito nagiging mas masahol pa ngayon ang mga Katoliko sa ginagawa nilang pagkakagulo, pagbabalyahan, pagtutulakan, pag-iipitan, pagsasampahan sa Andas at iba pa na umaabot na sa puntong ang mga kalahok sa prusisyon ay nagkakasakitan. Walang ganitong klase ng pagsamba na ginawa ang mga Israelita o ang bayan ng Diyos. Mas masahol pa ang ginagawang ito ng mga katoliko sa ginawang pagsunod ni Aaron sa kagustuhan ng mga Israelita. Malinaw na ang pagkahumaling sa ibang dios ang ikinagalit ni Moises:

EXODO 32:1b-2.19.20a … ang mga Israelita’y lumapit kay Aaron. Sinabi nila, “Igawa mo kami ng isang diyos na mangunguna sa amin…

Kung gayon, tipunin ninyo ang mga hikaw na ginto ng inyong asawa’t mga anak at dalhin sa akin.” Sagot ni Aaron. Ganoon nga ang kanilang ginawa. Kinuha ni Aaron ang mga hikaw at tinunaw at ibinuhos niya sa isang hulmahan at ginawang hugis ng guya. Pagkayari, sinabi nila: “Israel, narito ang diyos mong nag-alis sa iyo sa Egipto!”

Nang sila’y malapit na sa kampo, nakita ni Moises ang guya at ang mga taong nagsasayawan. Dahil dito, nagalit siya. Ibinalibag niya sa paanan ng bundok ang mga tapyas na bato at ito’y nadurog. Kinuha niya ang guya at sinunog.

ARAL KATOLIKO

Maraming biblista ang naeeskandalo sa prusisyon ng paggunita sa Traslacion (1787) o Paglilipat ng Itim na Poong Nazareno (Mt 2:23) na nagaganap tuwing ika-9 ng Enero. Karamihan sa mga puna ay ginawa ng walang pag-aaral sa Kasaysayan at pangmalas Katoliko sa mga texto ng Banal na Kasulatan. Ang puna ay una munang nakaugat sa kulay ng imahen. Marami ang hindi nakaaalam na ang orihinal na imahen ay dala ng mga misyonerong Agustino Recoletos mula sa Acapulco, Mexico at unang iniluklok sa Simbahan na ang patron ay si San Juan Bautista[1] sa lugar na kinatatayuan ngayon ng Rizal Park.

Sa pagsusuri ni Msgr. Sabino A. Vengco Jr. natuklasan niya na ang kulay ay may kinalaman sa ginamit na uri ng kahoy na ginagamit noon sa Mexico sa paglilok ng imahen. Angkop sa mensaheng nais ipaabot ang kulay ng itim na imahen sa okasyon na ginugunita at nais nitong ilarawan. Ang kulay itim na imahen ay simbolikal na tumutukoy sa taglay na dalamhati at sakripisyong kaakibat ng ginawang pag-aalay ni Cristo ng sarili sa krus upang mapawi ang kasalanan ng sanlibutan

ISAIAS 53:3-5 ABRIOL Hinamak siya at itinakwil ng mga tao, isang lalaking tigib ng mga dalamhati, bihasa sa pagdurusa, at gaya ng isang kinasusuklaman ng mga tao ay hinamak natin siya at itinuring na walang kabuluhan. Subalit tunay ngang siya ang nagpasan ng ating mga dusa at dinala ang ating mga dalamhati, samantalang ipinalagay nating siya’y hinampas, pinarusahan ng Diyos at inapi. Siya ay pinaglagusan dahil sa ating mga kasalanan, niyurakan dahil sa ating mga pagsalangsang. Ang parusang makapagliligtas sa atin ay ipinataw sa kanya at nasa kanyang mga latay ang ating pagkagaling.

1 PETER 2:24 ABRIOL Pinasan niya ang ating mga kasalanan sa krus na kahoy upang mamatay tayo sa kasalanan at mabuhay sa kabanalan;  

2 CORINTO 5:21 SNB Si Cristong walang kasalanan ay ginawa ng Dios na handog patungkol sa ating mga kasalanan, upang magtamo tayo ng kabanalan ng Dios sa pamamagitan Niya.

(Tingnan 1 Jn 2:2)

Ang kapistahan ng Traslacion o taimtim na Paglilipat ng Itim na Poong Nazareno mula sa orihinal na lokasyon nito sa Rizal Park patungong Basilica Minore ay ipinagdiriwang sa pamamagitan ng “Dungaw” o Mirata (Ika-4 na Istasyon ng Krus) at ng pagpu-prusisyon sa mga piling lansangan sa Metro Manila. Ang prusisyon ay ginagawa ng nakayapak bilang tanda ng pagsisisi at pagpapakumbaba o pagkilala sa taglay na karumihan ng kasalanan (Ex 3:5). Pakikiisa din ito sa Panginoong Jesus na nakayapak habang buhat buhat ang krus noong siya ay patungo sa kalbaryo. Ngunit ngayon ang dalamhati ay nahaluan ng malakas at masayang hiyawan at pasasalamat upang ipagdiwang ang tagumpay laban sa kapangyarihan ng kasalanan.

SALMO 42:4 NIV Ito ang aking naalaala habang inilalabas ang saloobin ng kaluluwa: kung paanong sinasamahan ko ang karamihan, pinangungunahan ang prusisyon patungo sa bahay ng Diyos, nang may malakas at masayang hiyawan at pasasalamat ng isang bayang nagdiriwang.

SALMO 68:24 BSP Tinitingnan nila ang iyong prusisyon, ang prusisyon ng aking Diyos, ng aking Hari sa santuwaryo. 

Ang Tradisyon ng pagpu-prusisyon at ang kasamang pagpupunas ng puting panyo ng mga deboto sa Nazareno ay “inspirasyon” na hango sa Biblia. Ang pagnanais ng mga deboto na makalapit at makahawak sa Poong Nazareno ay larawan ng pagnanais na abutin ang Panginoong JesuCristo na nasa langit. Ang pananampalataya ng mga debotong nagpupunas sa sagradong imahen ay nakatingala na para bang ang hinihipo ay ang Panginoong Jesu Cristo na nasa langit. Sumasampalataya at naniniwala na tulad ng nangyari sa babaeng humipo noon sa Panginoon ipagkakaloob din ang kanilang kahilingan.

MATEO 9:20-22 BSP Nilapitan naman siya mula sa likuran ng isang babaeng labindalawang taon nang dinudugo, at hinipo nito ang laylayan ng damit ni Jesus. Sapagkat naisip niya:”Kung mahihipo ko lamang ang laylayan ng kanyang damit, gagaling na ako.”

LUCAS 8:45b-46 BSP “Guro, sinisiksik ka’t dinudumog ng mga tao!” Ngunit sinabi ni Jesus: “May humipo sa akin dahil naramdaman kong may bisang lumabas sa akin.”

GAWA 19:12 BSP Di karaniwan ang mga himalang ginawa ng Diyos sa pamamagitan ni Pablo. Kaya kahit na ang panyo o damit na ginamit niya ay dinadala sa mga maysakit, at gumagaling ang mga iyon, at iniiwan din sila ng masasamang espiritu.

Ang pakikiisa sa prusisyon ng Itim na Poong Nazareno ay paglahok sa isa sa pinaka-popular na debosyon sa Simbahang Katoliko sa Pilipinas. Ang debosyon sa Itim na Poong Nazareno ay hindi isang obligasyon na hinihingi ng Simbahang Katoliko. Boluntaryo o personal itong desisyon na magpanata ng nagnanais lumahok sa pagdiriwang.

BILANG 30:2 Kung kayo’y namanata o nangako kay Yahweh, huwag ninyong sisirain. Kailangang tupdin ninyo ang bawat sumpang binitiwan.

JOB 22:27 Ang iyong dalangin ay kanya nang diringgin. At ang naging panata mo’y iyo namang tutuparin.

SALMO 56(55):13 BSP Ang mga panata ko sa iyo, O Diyos, ay aking tutuparin. Mag-aalay ako ng mga hain ng pasasalamat sa iyo.

Nagkatawang–tao ang Diyos at nakisalamuha sa lahat ng uri ng tao – mabuti man o masama (Mt 9:10-13; 11:19; Lc 15:1-7). Ito ang dahilan kung bakit ang Simbahan ay umiiral para sa lahat ng tao – mabuti man o masama (Mt 13:47-48; Mt 13:24-30; Mt 22:2-10; 2 Tim 2:20-21). At ang prusisyon ng Itim na Poong Nazareno ay isang imbitasyon, anuman ang katayuan sa buhay, na pagnilayan-alalahanin ang ginawang sakripisyo ni Cristo para sa lahat ng tao. Hinahatak o hinihimok nito ang lahat ng tao na magsisi at magbalik-loob sa Diyos (Mt. 3:2; Gw 26:20).

Kaya iba’t-iba ang paraan ng paglahok at pagpapahayag ng debosyon sapagkat tulad ng nangyari noong kapanahunan ng Panginoong Jesus: a). may tahimik na naghihintay at nagdadasal sa loob ng simbahan na tila ba nasa paanan ng Panginoon (Jn 19: 25-27; Lc 10:38-39; Gw 6:4), b). may nagpapakain at nagbibigay ng tubig sa kapwa namamanata (Mt 25:35-40; 2 Cor 8:8), c). may nakatanaw mula sa malayo (Lc 19:4; Mt 27:55), d). may nakaantabay  upang magbigay  ng tulong medikal (Mt 25:35-40), e). may Hijos  na ang  panata ay  tumulong sa kaayusan (Aw 116[114-115]:14 BSP; Gw 19:11-12), f). may mga humihiling ng kagalingan o sumasamo para sa himala (Mt 9:20-22; 12:15; 15:30), g). may nagdadamit, nag-aayos, nag-aalaga sa Nazareno (Mt 27:57-60; Jn 12:2-3), h). may nagpapasalamat at nagbibigay ng tulong pananalapi (Mc 12:42-44; Rom 12:8; 2 Cor 9:7) at, i). ang pinakahuli ay ang mga naakit lang na gumaya –  mga debotong hindi palasimba na bunga ng kahirapan ay hindi nakapag-aral at walang alam sa katesismo, mga nag-aastang deboto pero ang totoo ay tangay-tangay  lang ng barkada o pamilya, mga kriminal tulad ng mandurukot (Jn 12:4-6), isnatser at iba pang katulad nila na ang paniniwala ay mababayaran nito ang isantaong atraso sa kapwa, at iba pa. Itong huling uri ng mga deboto ay nabautismuhan din sa Simbahan subalit hindi tunay na naabot ng Ebanghelyo. Kasama tayo sa pinatutungkulan ni Pablo ng sabihin niya ang mga salitang ito:

2 TIMOTEO 4:1-2 SNB Mataimtim kitang inaatasan sa harap ng Dios at ni Jesu-Cristo na siyang huhukom sa mga buhay at mga patay – at alang-alang sa Kanyang pagdating at paghahari. Ipangaral mo ang Salita ng Dios. Lagi kang maging handa, may pagkakataon man o wala. Pangaralan, sawayin at paalalahanan mo ang mga tao – buong tiyaga mo silang turuan.

Sa maikling salita, may batayan na isiping totoo ang puna sa itaas kung ang makitid lang na nakikita ay ang pinakahuling uri ng mga deboto. Marami sa mga deboto ng Nazareno ang nakakapit sa mga panlabas na daloy ng kilos sapagkat hindi sila handa at hindi naturuan na isabuhay sa salita at gawa ang tunay na diwa ng ating pananampalataya. Ayaw nilang bitiwan ang mga panlabas na daloy ng kilos at salit-sabing palagay at pananaw sapagkat ito lamang ang kanilang pinanghahawakan. Sa kanilang palagay, ang mga panlabas na daloy ng kilos ang nagbibigay ng kabuluhan sa kanilang kaugnayan at pananampalataya sa Diyos. Pinalitan nila ng marahas at magulong pakikilahok sa debosyon ang tunay na diwa ng pananampalatayang wala sila at hindi naituro sa kanila.

Sa halip na pikit-mata na kumapit sa mga nahalong kakaiba sa sinaunang tradisyon mas mahalaga na unawain at ituwid ang anumang lihis sa tunay na diwa at Tradisyon ng Iglesya. Kung hindi na mabuti ang paraan ng pagpapahayag ng debosyon – maaari itong baguhin dahil hindi ang paraan ang pinakamahalaga sa itinuturo ng Iglesya. Ang pinakamahalaga at hindi maaaring mabago ay ang mga aral ng Diyos.

Hindi sinasabi ng Simbahan na mababawasan ang pananampalatayang Katoliko kung wala ang debosyong ito. Kaya walang sinumang Katoliko ang pinipilit na lumahok sa prusisyon kung ito ay labag sa kanyang kalooban. Ang debosyon ay nagsisilbi lamang na tanda at hindi katibayan ng ating pananampalataya. Ang debosyon ay isang imbitasyon upang higit na paunlarin o palalimin ang pagninilay sa taglay na pananampalataya. Nagsisilbi itong tanda at paalala na si Jesus ay nag-alay ng sarili sa krus upang tayo ay umayon sa mensahe ng Ebanghelyong mag-ibigan sa isa’t-isa (1 Jn 4:7) at makapamuhay sa kapayapaan ng bagong buhay kay Cristo (Ef 4:17-32; 5:1-20).

[1] Gonsalves, Antonio Anup. Understanding the Fierce Devotion Behind the Black Nazarene. Catholic News Agency (May 27, 2015).


Viewing all articles
Browse latest Browse all 3780

Trending Articles