CFD Q.C SA KANYANG PAGYABONG
By: Bro Peter P. Cosenillo Cfd
Isang kahapon ay natapos at lumipas na naman,
Mula sa malawak na landas na aming dinaanan,
Sinuong ang trapiko, sumiksik sa lansangan,
Maarok lang ang misyong dapat naming tunguhan.
Bagamat sa lakaran ay halos sumuko na,
Ang hapo sa’ming katawan ay napawi sa tuwina,
Nang aming marating ang pook ng Siena,
Kung saan kami mag-aaral ng apolohetika.
Bitbit naming bibliya at ang aming rosaryo,
Ang siyang aming bala laban sa mga kaibayo,
Patuloy na lilinangin mga taglay na talino,
Upang dumipensa sa pananampalatayang totoo.
Kapistahan ng luklukan ni San Pedro Apostol,
Nagsilbing inspirasyon ng mga tagapagtanggol,
Sa suot naming dilaw kayo na ang humatol,
Kung ito’y para sa estado o sa aming pastol.
Labis ang pasalamat sa lahat ng tumugon,
Sa isang higit na dakila at mabungang misyon,
Handog namin ito sa mahal naming Poon,
Na sa ami’y nagbigay ng matibay na inspirasyon.
Ang banal na Espiritu ay patuloy na gumagabay,
Sa aming may mga dakila at mabuting pakay,
Gayundin sa tagapagturo at sa aming mga akay,
Kalaban ay dudurugin sa kanilang pagsalakay.
Mga utak ay tila ba magsisisabog na,
Sa talataan at kaalamang saganang-sagana,
Pagtuklas ng kaalaman mula sa banal na bibliya,
Tunay ngang tatag ng Diyos itong ating Iglesia.
Sa mga dunong na kahapon ay humubog sa amin,
Lahat ng aral ay yakapin at ‘di dapat piliin,
Sa ganito luwalhatiin dakilang Diyos natin,
Na siyang unang yumakap at nagmahal sa atin.
Kaya mga kapatid muli tayong magkita-kita,
Sa mga susunod na leksyon ay ating ipakita,
Na tayo’y Katoliko hindi lamang sa salita,
Kundi lalo higit sa Espiritu at sa gawa.
Iba na ang may alam yan ang laging tandaan,
Subalit pagpapakumbaba ay ‘wag nating kalimutan,
Para sa Diyos palgi ang lahat ng kapurihan,
Isabay sa pagkatuto diwa ng pagmamahalan.
Pro deo ecclesia yan ang aming sigaw,
Isang hiyaw sa silong ng langit na bughaw,
Husay at talino ay walang pagpanaw,
Hihigit pa sa kinang ng dakilang haring araw.