-
Nonoy Lopez
Anong klaseng Christian ka ba, sekta o kulto?
Ni: Nonoy Lopez
Maraming beses na akong nakarinig ng mga kabataan na may pagmamayabang na nagpapatotoo na sila daw ay Christian para lamang bigyang diin ang kanilang pagkakaiba sa isang tao na umamin sa kanyang pagiging Katoliko. Tila ba sa tunog ng kanilang pananalita ang isang Katoliko ay hindi naman talaga tunay na Cristiano. Malinaw na ang ganitong pakiramdam sa sarili ay dulot ng mababaw na kaalaman sa kasaysayan ng pananampalatayang nag-ugat sa unang siglo. Samut-sari na ang naglitawang paniniwala na may kanya-kanyang modus operandi kung kaya ang tunay na diwa ng orihinal na aral ng pananampalataya ay tila ba napangibabawan na.
Sa kadahilanang nabanggit sa itaas, madalas mangyari na nagugulat na lamang ang sinumang nagpapakilalang Katoliko kapag ang iginanti sa kanyang pagsagot ay, “Ako ay dating Katoliko pero ngayon ako ay isa ng Christian.” Malakas ang pahiwatig ng pangungusap na tila ba nagsasabing, “ngayon ako ay tunay ng tagasunod ni Cristo” na para bang ang isang Katoliko ay hindi. Kadalasan, nangyayari na binabanggit pa ang petsa kung kailan niya tinanggap si Cristo sa kanyang buhay. Petsa kung kailan nangyari na siya ay na-born-again. Ang hindi nauunawaan ng mga huwad na Cristianong ito ay ang tunay na kahulugan ng salitang Griegong gennethe anothen na naisalin ng mali bilang Born Again sa halip na born from above. Ang kontexto ng Juan 3 ay nagsasabing ang isang ipinanganak na ay hindi na makababalik sa sinapupunan ng kanyang ina upang ipanganak na muli. Nilinaw ni Jesus na ang kapanganakang tinutukoy niya ay kapanganakan sa tubig at espiritu. Nais ni Jesus na baguhin ang sinaunang paniniwalang Judio na tanging ang mga ipinanganak lamang sa kanilang lahi ang karapat-dapat mapabilang sa bayan ng Diyos. Tinututulan ni Jesus ang maka-Judiong interpretasyon na tanging ang kanilang relihiyon lamang ang nagiging kalugod-lugod sa Diyos ng dahil sa pinagmulang lahi. Ipinauunawa ni Jesus na sa bagong kaayusan ang tao ay nagiging bahagi ng bayan ng Diyos sa pamamagitan ng bautismo. Na upang maging kabilang sa bayan ng Diyos hindi na mahalaga na isilang mula sa piniling lahi (ang Israel) kundi ang isilang mula sa itaas (o mula sa Diyos).
JUAN 1:12-13 Ngunit ang lahat ng tumanggap at nanalig sa kanya ay pinagkalooban niya ng karapatang maging anak ng Diyos. Sila nga’y naging anak ng Diyos, hindi dahil sa isinilang sila ayon sa kalikasan, ni sa pita ng laman o sa kagagawan ng tao. Ang pagiging anak nila ay buhat sa Diyos. (tingnan din Mc 16:16; Mt 28:19)
GALACIA 3:27-29 Sapagkat ang lahat ng nabautismuhan kay Cristo ay pinananahanan ni Cristo. Wala ng pagkakaiba ang Judio at ang Griego, ang alipin at ang malaya, ang lalaki at ang babae – kayong lahat ay iisa dahil sa inyong pakikipag-isa kay Cristo Jesus. At kung kayo’y kay Cristo, kabilang kayo sa lahi ni Abraham, at tagapagmana ng mga ipinangako ng Diyos. (tingnan din Col 3:11)
EFESO 2:19 Samakatuwid, hindi na kayo dayuhan o taga-ibang bansa, kundi kababayan ng mga hinirang ng Diyos at kabilang sa kanyang sambahayan. (tingnan din Rom 2:28-29)
Alam ng maraming biblista na ang mga unang alagad ay tinawag na Cristiano sa Antioquia (Gw 11:26). Ang tanong na dapat sagutin ng mga bagong sulpot na Christian ay, “Kung ang grupo ba na kanilang sinamahan ay may kaugnayan o konektado… sa paniniwala at kasaysayan ng mga Cristianong nasa Antioquia?” Si San Ignacio (107 ca.) na sumulat ng sinaunang Letter to the Smyrnaeans ang unang Obispo ng Antioquia. At sa nabanggit na liham ay ginamit niya ang “Iglesya Katolika” bilang pangalan ng iglesyang laganap sa lahat ng dako. Ginamit niya ang pangalang ito bago pa opisyal na natipon at kilalanin noong 397 A.D. sa Council of Carthage ang kalipunan ng mga aklat na tinatawag ngayong Bagong Tipan. Ibig sabihin, wala pa ang Biblia ay umiiral o ginagamit na ang pangalang Iglesya Katolika. Kaya ang mga orihinal na Cristianong ito sa Antioquia ay hindi nakaugalian na nagsisimba o sumasamba na may bitbit-bitbit na Biblia gaya ng pausong ginawa ng mga bagong sulpot na Cristiano.
Mapapansin na ang mga may lakas ng loob magsabi na sila ay Christian ay ang mga nagmula sa maliliit na grupong sinimulang tipunin ng isang taong wala namang malalim na pag-aaral sa Banal na Kasulatan. Lumilikha tuloy ito ng maling konotasyon sa mga walang pinag-aralan na ang Christian ay isang taong sumasampalataya at sumusunod kay Cristo alinsunod sa pagpapakilala o pangangaral ng taong nagtatag ng bago at ibang iglesya. Bago at iba sa iglesyang ang Panginoong Jesu-Cristo mismo ang nagtatag. Ang pananadya na palitawing iba ang Katoliko sa Cristiano ay bukod tanging estilo sa ginagawang pagpapakilala ng mga nabihag ng mga bagong sulpot na mangangaral. Sa Biblia walang texto na mababasang si Jesus ay may taong inutusan o isinugo na magtatag ng bago at iba sa iglesyang itinatag niya. Katunayan ang iglesyang kanyang itinatag ay nagtataglay ng pangako na hindi pananaigan ng kapangyarihan ng kamatayan.
MATEO 16:18-19a At sinasabi ko naman sa iyo, ikaw ay Pedro, at sa ibabaw ng batong ito ay itatayo ko ang aking iglesya, at hindi makapananaig sa kanya kahit ang kapangyarihan ng kamatayan. Ibibigay ko sa iyo ang mga susi ng kaharian ng langit.
Sa pagpapakilala bilang Christian layunin diumano nilang linisin ang lipunan mula sa maruming sistema ng pamahalaan at korupsyon. Na kung ang bawat Pilipino daw kung tunay ng magiging Christian ay magkakaroon ng isang bansang nakalulugod sa Panginoon. Mapapaisip ang sinumang makakarinig ng ganitong uri ng idealismo kung ganito nga ba ang kinalabasan sa bansang marami nito – ang Estados Unidos. Ang bansang kilala bilang pugad ng iba’t-ibang klase ng mga bagong sulpot na sekta at kulto. Malamang na ang mga nabihag ng mga bagong sulpot na sekta at kulto ay walang kamalay-malay sa mga kasalanan at eskandalo ng kanilang mga pinaniniwalaang mangangaral. Ipaalala natin ang mga tulad nila Jimmy Swaggart, Jim Bakker, Terry Smith, Oral Roberts, Pat Robertson, Paul Crouch, Douglas Goodman, Benny Hinn, Ted Haggard, Paul Barnes, Joe Barron, David Kohesh, William Miller, Ellen White, Charles Taze Russel, atbpa.
Pero tiyak na maraming Christian ang papalag kung sakaling ikapit sa kanila ang alinman sa dalawang taguri: sekta o kulto. Higit na marami ang iisip ng paraan kung paano maiiwasan na maikapit sa kanila ang salitang kulto. Ano kung gayon ang pagkakaiba ng sekta sa kulto? Ang sekta ay tumutukoy sa maliit na grupo ng mga Cristiano na humiwalay sa tinatawag na mainline Protestants. Ang mainline Protestants ay nagpapahayag ng pagkilala sa iglesya katolika sa kanilang mga pagsamba alinsunod sa itinadhana ng Westminster Conference noong 1646. Ang kanilang pag-iral ay hindi nakabatay sa mahigpit at sentralisadong sistema ng herarkiya. Ang kulto ay tumutukoy sa kakaibang pananampalatayang Cristiano na umusbong mula sa pangangailangang humiwalay sa paniniwalang Katoliko at sa halip ay nasentro sa lider at sa kanyang ginawang mga aral. Ang ilan sa halimbawa nito ay ang pagtatalaga ng lider sa sarili at pagtuturo sa mga miyembro na siya diumano ang Anak ng Diyos, Anak ng Kaliwanagan, propeta, propetisang di-nagkakamali, apostol, sugong anghel, dukhang pantas, at iba pang mga kakaibang aral.
Sa ganitong pagpapakahulugan, maaari na natin ngayong itanong sa sinumang nagyayabang na Christian yung tanong na, “Anong klaseng Christian ka ba, sekta o kulto?
↧
ANONG KLASENG CHRISTIAN KA BA, SEKTA O KULTO? Sagot sa mga Born-Again! By Bro. Nonoy Lopez, CFD Bulacan
↧